Lunes, Mayo 2, 2011

Mga Mapagkwentong Tinapay ni Roel

Kung hindi pa uubo o ha-hatching si Roel, hindi mo maririnig ang boses niya. Madalas s'yang nasa kwartong kulob at lagi s'yang tahimik na nakatungo. Minsan kong sinilip si Roel sa salamin ng kwartong kinalalagyan niya at iniangat nya ang kanyang ulo - may mga puting dumi sya sa mukha. Nagulat s'ya nang katukin ko ang bintanang salamin. Nang magtinginan kami ay kanya akong nginitian. 

Tinapay ang pers lab ni Roel. Lalo't lalaban siya sa nalalapit na HOFEX - ang nangungunang Food and Hospitality Trade Show na gaganaping muli sa Hongkong nitong Mayo kung saan makakatunggali niya ang iba't ibang panadero sa Asia Pacific, mas naglalagi siyang nakakulong sa kusina at nagmamasa ng iba't ibang world class na tinapay. At kaya niya ko nginitian nang dungawin ko siya e kasinlaki ng mukha ko ang mga malinamnam na bilog na monay na likha niya. 

A ganon? Pwes, patikim! Hala, twing praktis ni Chef Roel Vargas ng Global Culinary and Hospitality Academy, sinasabihan ko siya ng "I love you" at alam na niya ang isasagot niya dito - isang damakmak ng mga tinapay na prinaktis niya. Aysows pagkaaaasarap sarap. Lasang lasa sa bawat piraso ng bawat tinapay na gawa ni Chef Roel ang pagmamahal niya sa kanyang gawain. Kitang kita sa iba't ibang disenyo ng tinapay ang galing ng mga kamay ni Roel, na siya ring mga kamay na humawak ng mga medalya sa iba't ibang kumpetisyong pagalingan sa tinapay sa Pilipinas at sa ibang bansa. Nangungusap ang bawat uri ng tinapay ng tila mga rebelasyon ng nasa kaibuturan ng puso ng tagalikha nito.

Ganyan ang mga tinapay ni Chef Roel. Nagkukwento.Malalim. Malaman. Hindi na nga naman niya kailangan pang magsalita. At pag nakatikim ka ng mga tinapay niya, malamang tatahimik ka din.



























1 komento: